February 25, 2017 nang ibalik ako sa rehab dahil sa sakit ko na Bipolar disorder o mas matindi pang sakit. Kakaiba ito kesa sa una kong pagpasok sa rehabilitation center.
3 araw bago ako ipasok, super hyper na naman ako. Ang
dami kong naiisip, pati ilaw sa kalsada napapansin ko. Pati piso sa lamesa ay
pinagtitripan ko. Hindi ako makatulog ng maayos, gusto kong masunod ang gusto
ko. gusto kong lumipad sa kalawakan, sa pagitan ng mga bituin. At pilit kong
inaalam kung saan nga ba nakatago ang One Piece.
Kakaibang mga pangitain o kabaliwan ang nakikita ko. Mga
kaibigan, tropa, mga mangyayari sa hinaharap at nangyari sa nakaraan. Diko alam
kung totoo. Diko alam kung baliw na ba talaga ako.
Kusa akong pumasok sa center. Payapa. Walang gulo.
Pero pagkalipas ng ilang minuto. Yun na. Nangyari na ang
hindi inaasahan.
Sinuntok ko yung gate na harang sa isolation area ng
center.
Akala ko may sapi na ko. pero meron na nga.
Akala ko super hero ako pero ako na pala yung kalaban.
Akala ko nalaman ko na lahat pero mali pala ako.
Dumating ang apat na bantay ng center. Binuksan ang gate.
Lumabas ako.
At boom. Hineadlock ako. halos di na ako makahinga. at
nawalan ako ng malay.
Paulit ulit yung eksena na yun sa utak ko. yung naputulan
ako ng hininga.
Takot na takot ako kaya pilit kong nilalabanan pero dun
lang din ako napupunta.
patay. talo.
Hanggang sa naalala ko ang sinabi ng tatay ko bago ako
pumasok sa center.
"mag relax ka lang dyan"
Naalala ko yung mga salita na yun. At nakatulog ako.
Pag gising ko hilong hilo ako, nakatali ang kamay at paa.
Para kong nasa ibang lugar. naglabasan na lahat ng
pasyente sa center.
Kakain na pala.
Ako nagwawala at sumisigaw parin. Parang sinapian.
Diko na iddetalye pero mga 3 araw akong nakatali hanggang
sa mapagod ako at magutom.
Marami akong nakilala sa loob ng center, si Kuya Eric, Si
Joseph, Si Michael, Si Pilo, Si Bayaw, at marami pang iba. Iba-iba sila,
iba-iba ng pagkatao. Iba-iba ng pagkabaliw. Kaya kami magkakasama sa loob. May
iba gustong makalabas, may iba ok na sa loob kesa makagulo pa sa buhay sa
labas.
Marami akong panahon sa loob para makapag isip at makapag
muni-muni ng mga pangyayari. Matulog at magpahinga. Hindi biro mapasok sa loob
ng center. Nakakadrain ng isip at
emosyon.
Sa kabutihang palad ay bumalik agad ang katinuan ko at
muling naging maayos sa tulong ng mga doktor at mga nurses na umasikaso sa
akin. Gayon din ang mga magulang ko na lagi akong dinadalaw at dinadalhan ng
pagkain. Nagpapaalala yun sakin na may nagmamahal parin sakin.
Hanggang sa makalabas ako. Napaka saya.
Isang bagong kabanata at aral ang natutunan ko.
Magpasalamat sa mabuting kalagayan na meron tayo. Kung dumanas man tayo ng
pagsubok e ipagpasalamat parin dahil mag matututunan tayo. Ang saya ko talaga
nung pumayag ang doktor sa request namin na makalabas na ako. napakasaya.
Hindi ko na naisip ang galit ang sama ng loob, kahit may
karapatan akong maramdaman o maisip yun, pero hindi, nangibabaw sa akin ang
kaligayahan na magaling na ako.
Totoo may gamot pa ako hanggang ngayon, at baka di na
mawala ang gamot na yun. Pero solb na ako. Pag dumaan ka sa panahon ng buhay na
wala ng pag-asa "hopeless situation" baga, matututunan din nating
magpasalamat sa kalagayan natin at matututo tayong maging masaya.
Comments
Post a Comment